Martes, Marso 27, 2012

MGA URI NG BARAYTI NG WIKA


IDYOLEK-pampersonal na gamit ng wika, kadalasang yunik.


DAYALEK-nadedebelop sa rehiyong kinabibilangan.


SOSYOLEK-pansamantalang barayti.


ETNOLEK-nadedebelop mula sa mga salita ng mga etnolonggwistikong grupo.


EKOLEK-kadalasang mula o sinasalita sa loob ng bahay.


PIDGIN-wikang walang pormal na estruktura.


CREOLE-nadedebelop ang pormal na estruktura.


REJISTER-wikang espesyalisadong nagagamit sa isang partikular na domeyn. 

Miyerkules, Marso 21, 2012

KONSEPTO NG WIKA


ARALIN 1:KAHULUGAN NG WIKA
-Ang Wika sa simpleng pagpapaliwanag ay ang kalipunan ng mga salita na ginagamit ng isang lipunan.Bawat lipunan sa daigdig ay may wikang ginagamit na tanging pekulyar sa isa't isa maging ito ay nas anyong pasulat at pasalita.

ARALIN 2:KAHALAGAN NG WIKA
Sa sarili-gamit ang wika, nagagawa ng tao na mapaunlad ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtatamo ng mga kaalaman sa kanyang paligid.


Sa kapwa-sabi nga sa isang awit"walang sinuman ang nabubuhay ng para sa sarili lamang".Bawat isa sa atin ay kinakailangan makipagkomyunikeyt upang mapatatag ang relasyong-sosyal.


Sa lipunan-sa sandaliang mapagsama-sama ang mga karanasan ng mga tao, nagkakaroon ngayon sila ng isang tiyak na lipunan na tunay na kakaiba.Nagagawa ng wika na pagbuklurin ang isang lipunan.

ARALIN 3:KAPANGYARIHAN NG WIKA
Ang wika ay maaring makapagdulot ng ibang kahulugan.
Ang wika ay humuhubog ng saloobin.
Ang wika ay nagdudulot ng Polarisasyon.
Ang kapangyarihan ng wika ay siya ring kapangyarihan ng kulturang nakapaloob dito.

ARALIN 4:GAMPANIN NG WIKA
-Ang Wika ay maraming kahalagahan at gampanin sa sangkatauhan.Narito ang mga sumusunod:
IMPORMATIB-ang wika ay impormatib kung nagagawa nitong makapaglahad ng impormasyon tungo sa tagatanggap nito.


EKSPRESIB-ang gamit ng wika kung nagagawa nitong makapagpahayag ng saloobin o makapagpabago ng emosyon.


DIREKTIB-nagiging direktib ang wika kung hayagan o di-hayagan nitong napakikilos ang isang tao upang isagawa ang isang bagay.


PERPORMATIB-gamit ng wika na higit pa sa paslitang anyo ng komunikasyon. Ito ay kinapapalooban din ng kilos bilang pansuporta sa isang pahayag.


PERSWEYSIB-gampanin ng wika na nagagawang makahikayat ng taotungo sa isang paniniwala.

ARALIN 5:TUNGKULIN NG WIKA
-Nagtataglay din ng tungkulin ang wika na tumutulong sa mga gumagamit nito sa pagbubuo ng mga nais nilang gawin o naisin.Narito ang mga sumusunod:
INSTRUMENTAL-ngagawa ng wika na magsilbing instrumento sa mga tao upang maisagawa o maisakatuparan ang anumang naisin.


REGULATORI-nagagawa ng wika na kontrolin ang mga pangyayari sa kanyang paligid.


REPRESENTASYONAL-ginagamit upng makipagkomyunikeyt, mkapagbahagi ng mga pangyayari, makapagpahayag ng detalye.Gayundin makapagpadala at makatangagap ng mensahe sa iba.


INTERAKSYONAL-ipinapaliwanag dito na nagagawa ng wika na mapanatili at mapatatag ang relasyon ng tao sa kanyang kapwa.


PERSONAL-nagagamit din ng wika upang maipahayag ang personalidad ng isang indibidwal ayon sa sarili niyang kaparaanan.


HEURISTIC-tumutulong upang makapagtamo ang tao ng iba't ibang kaalaman.


IMAHINATIBO-nagagawang mapalawak ang imahinasyon at gawing artistik ang isang tao. 

Huwebes, Marso 15, 2012

EBOLUSYON NG WIKANG PAMBANSA

Bawat bansa ay may kaniya-kaniyang pagkakakilanlan. Maaring ito ay sa porma ng watawat, sa himig ng pambansang awit, o sa wikang sinasalita. Tulad din ng ibang bansang malaya, ang Pilipinas ay may sarili ding wika. Ngunit saan nga ba nagsimula ang wikang Filipino? Kusa lamang ba itong sumibol? Ito ba ay isang wikang hiram? O ito ba ay pinagsama-samang mga salita mula sa iba’t-ibang kultura?

Ang alif-ba-ta at abecedario


ma bo-bu ha a
pe-pi le-li pe-pi no-nu

Bago pa dumating ang mga banyaga dito sa Pilipinas tulad ng mga Kastila, ang mga katutubong Pilipino ay may sarili ng alpabeto at sistema ng pagbabaybay na mas kilala sa tawag na “alibata” o alif-ba-ta sa Arabo. Ang matandang alpabeto ng mga katutubo ay syllabic at binubuo ng tatlong patinig (vowels) at labing-apat na katinig (consonants). Ang patinig ay mayroong a, e, at i, samantalang ang o at u naman ay may iisa lamang tunog na lubhang nakalilito. Bawat isa sa mga katinig ay binabasa na may kasama na patinig a, kapag ito ay walang marka sa itaas o sa ibaba na mas kilala sa tawag na “kudlit,” o isang uri ng marka na ginagamit sa mga matatandang sistema ng pagsusulat. Kapag ito naman ay may kudlit sa ibaba, ang patinig a, ay napapalitan ng patinig o o di kaya ay u. Ngunit kung ang kudlit naman ay nasa itaas, ang patinig ay nagiging e o i.

Ang Surian ng Wikang Pambansa


Nang manungkulan si Manuel L. Quezon bilang Pangulo ng Komonwelt at si Sergio Osmeña bilang pangalawang Pangulo, binig-yan pansin ang isyung “nasyonalismo.” Naniniwala ang mga liderato ng bansa noon na dapat magkaroon ng isang pangkalahatang pambansang wika na siyang mahalaga sa pagtataguyod ng pangkabuuang unawaan at pagkikintal ng pambansang pagmamalaki ng sambayanan. Ayon sa Artikulo XIV, Sekyon 3 ng Konstitisyong 1935, ang magiging bagong wika ay ibabase sa mga kasalukyang katutubong wikang meron sa ating bansa.

Ang Unang Pambansang Asemblea noong ika-13 ng Nobyembre, 1937, ang siyang bumuo sa Institusyon ng Wikang Pambansa. Ang mga naging kasapi sa komiteng ito ay sina Jaime de Veyra (Hiligaynon), Santiago Fonacier (Ilocano), Casimiro Perfecto (Bicol), Felix Rodriguez (Samarnon), Felix Sotto (Cebuano), Cecilio Lopez (Tagalog), Hadji Butu (Maranao-Maguindanao), Isidro Abad (Cebuano), Zoilo Hilario (Pampango), Jose Zulueta (Pangasinan), at Lope K. Santos (Tagalog).

Nang binuo ang Commonwealth Constitution, ang wikang “Tagalog” ang siyang naging pambansang wika ng Pilipinas, ayon na rin sa Executive Order Bilang 134. Ang mga naging batayan nito ay ang: pagiging lingua franca nito, o paggamit ng Tagalog sa maraming sangay ng komersyo at kalakalan; ang dami ng katutubong nagsasalita nito, sa dahilang ang wikang ito ay ang pangunahing ginagamit sa lungsod ng Maynila gayundin sa mga kalapit probinsya nito, at; ang karamihan ng panitikang Pilipino ay nakasulat sa Tagalog. Ngunit dahil sa ilang pagtutol ng mga kinatawan ng iba’t-ibang bahagi ng bansa matapos ang tatlong taon, ang naturang konstitusyon ay hindi klinasipika ang wikang Tagalog bilang opisyal na wikang pambansa, ngunit bilang isang pormal na dayalekto ng ating bansa lamang.

Nang kinilala ang Philippine language based-Tagalog, isinulat ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa na siyang nagpakilala sa Abakada na may 20 letra, na kung saan ang letrang “a” lamang ang idinadagdag sa dulo ng bawat katinig para sa tunog nito.

Nung panahong din ito, umusbong ang mga salitang ginamit sa Balarila at ito ay ang mga: balarila (grammar), pandiwa (verb), pangngalan (noun), pang-uri (adjective), pang-abay (adverb), pangatnig (conjunction), patinig (vowel), katinig (consonant), panaguri (predicate), simuno (subject), pang-ukol (preposition), paningit (inclitic).

Samantala, nakasaad din sa Konstitusyon ng Komon-welt na ang wikang pambansa ay dapat na kumatawan sa lahat ng lalawigan ng bansa. Ibig sabihin, ito ay dapat na ginagamit sa halos lahat ng mga lalawigan. Hindi lamang iyan, ang naturang pambansang wika ay dapat may mga elemento ng iba’t-ibang dayalekto na siyang ginagamit ng iba’t-ibang lalawigan sa buong bansa.

Ang Tagalog bilang Pilipino

Bago naisagawa ang pangalawang konstitusyon noong dekada ‘70, higit na sa kalahati ng mga mamamayan ng bansa ang gumagamit na ng wikang Tagalog, kumpara noong nakaraang apat-napu’t taon na kung saan ay may halos dalawampu’t limang porsyento lamang ng mga Pilipino ang nagsasalita ng Tagalog. Isa sa mga kadahilanan ng paglaki ng bilang na ito ay nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigidig, ipinag-utos ng mga mananakop na Hapones na Tagalog ang wikang gamitin sa mga paaralan at maging sa mass media.

Dahil dito, ang mga “nationalists academics” ay nagkaisang magtulong-tulong upang magbigay daan tungo sa pagtatatag ng isang opisyal na pambansang wika, na siyang tatawaging “Pilipino”—na kung saan ay tanggap ng karamihan bilang ang wikang “Tagalog.”

Sa pamamagitan ng Department Memo no. 194 na inisyu ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura, and Pampalakasan noong ika-30 ng Hulyo, 1976, ang 20 titik ng abakada ay nadagdagan ng labing-isang banyagang-hiram na titik. Ang naturang revised Filipino Alphabet na binubuo ng 31 na letra, ay kinabibilangan ng mga letrang banyaga tulad ng c, ch, f, j, ll, ñ, q, rr, v, x, at z. Ngunit dahil sa hindi naging malinaw ang paggamit sa mga letrang ito, ang naturang alpabeto ay dumaan uli sa panibagong pagsususog.

Noong mga panahong din iyon, isinagawa ang iba’t ibang paraan nang pagpapayaman ng pambansang wika. Pinilit ng mga dalubhasa na gawin itong maka-katutubo, na kung saan ang mga “salitang hiram” o mga salitang galing sa mga banyagang wika ay unti-unting tinanggal at pinapalitan ng katutubong salitang katumbas nito. Isang halimbawa ang salitang Espanyol na silya—na siyang pinalitan ng salitang “salumpuwit.” Ngunit sa kadahilanang ang mga salitang madalas na nating ginagamit ay hiram na halos sa mga banyagang salita tulad ng Ingles, Espanyol, Intsik, Hapon, at kung anu-ano pa, hindi na naging epektibo ang mga naturang hakbang ng mga nasyonalista sa larangan ng akademya.

Ang makabagong Filipino

Nang dumating ang kapanahunan ng panunungkulan ng dating Pangulong Corazon Aquino, ang naturang isyu ay binigyang pansin sa pag-sasagawa ng Konstitusyon ng 1987. Ang pambansang wika ng Pilipinas ay kinilala bilang Filipino at hindi na Pilipino. Ang pagpapalit ng wikang pambansa mula sa Pilipino tungo sa salitang “Filipino” ay nag-bibigay halaga sa mga salitang Ingles at Espanyol na naging bahagi na ng ating pansariling wika. Ang mga letra sa alpabetong Ingles na hindi lingid sa kaalaman ng bawat Pilipino, tulad ng f, j, c, x, and z, ay isinama na rin sa makabagong alpabetong Pilipino.

Ang Alpabetong Filipino ng 1987, ang siyang pinagbago at pinaghusay na Abakada at Alpabetong Filipino ng 1976. Ang naturang Filipino Alphabet ay binubuo ng 28 titk na kung saan ang pagbasa nito ay halintulad rin sa pagbasa ng alpabetong Ingles. Ito ang kasalukuyang ginagamit natin ngayon—na siyang nagpapayaman at nagpapalawig pa sa wikang Filipino.

Ang ebolusyon ng Pam-bansang Wika ng Pilipinas ay naging bahagi rin ng kurikulum ng iba’t ibang paaralan sa Pilipinas. Ang mga estudyante ng mga paaralan ay kinikilala ang salitang “Filipino” bilang ang wikang pambansa, at ang “Tagalog” bilang isang uri ng katutubong salita o dayalekto. Hindi lamang mga asigna-turang Filipino ang meron sa kurikulum ng mga paaralan sa Pilipinas, nariyan rin ang mga asignaturang Ingles at iba pang klase ng aralin na siyang nagtuturo rin ng iba’t-ibang lenguwahe ng iba’t ibang bansa. Sa ibang dako naman ng daigdig, tulad ng Amerika, ang mga Philippine Schools ay mayroon ding mga klase sa Filipino na siya namang nagtuturo sa kanila ng sarili nating wikang pambansa.

Imperyalismong Tagalog

Kahit na dumaan na sa maraming salin o pagbabago ang tawag sa wikang pambansa—mula sa Tagalog, na naging Pilipino (na base pa rin sa Tagalog ), na ngayon ay Filipino na—marami pa rin ang nasanay na sa pagtawag ng Tagalog bilang pambansang wika, mapabanyaga man o katutubong Pilipino. Ang kaisipang ito ay tinawag ni Prof. Leopoldo Yabes na “Tagalog Imperialism.”
Ang pangyayaring ito ay ikinasama rin ng loob ng ilan nating kababayan na di-Tagalog. Sa tingin nila, hindi nabibigyan ng pansin ang ilan pang malalawak na gamiting wika tulad ng Ilokano at Cebuano. Nagbigay daan din ito sa pagpapalit ng mga konsepto ng wikang pambansa.

Sa ibang bansa, napansin ninyo ba na mas kilala ang salitang “Tagalog” kaysa sa Filipino bilang pangunahing wikang pambansa ng Pilipinas? Ang salitang Filipino para sa mga banyaga, ay isa lamang klase ng pang-uri. Ngunit ang ganitong pagkakakilanlan nila sa salitang Filipino ay hindi nagbibigay ng malaking pagkakaiba sa salitang Pilipino at Tagalog—gaya ng pagkakakilanlan ng mga Amerikano at maging ng mga Canadian.

Pilipino o Filipino?

Ngayon, malinaw na ba sa isipan ng lahat ang pinagkaiba ng salitang Filipino sa Pilipino? Para sa mga naguguluhan pa, ang wikang Filipino ay tinaguriang “Tagalog-plus” na kung saan ito ay binubuo ng iba’t-ibang banyagang salita maliban sa Tagalog. Ito rin ang nagbibigay lawak sa ideya ng makabagong diksyunaryong Filipino, na kung saan ang salitang Ingles na Dictionary at Espanyol na Diccionario ay maaari na ring gamitin sa wikang Filipino bilang “diksyunaryo.” Ngunit para sa mga malamim managalog o mas kilala sa tawag na “purist,” ang salitang dictionary ay ang “talatinigan.” Ilan pa sa mga halimbawa nito ay ang kompyuter, kwalipikasyon, okasyon, indibidwal, sipilis, at iba pa na galing sa mga salitang Ingles tulad ng computer, qualification, occasion, individual, at syphilis.

Ngunit para sa mga eksperto, mas maiging tawaging “Filipino” at hindi “Tagalog” ang sarili nating wika. Ito ay upang magbigay galang o konside-rasyon sa mga kababayan nating hindi ginagamit ang wikang Tagalog bilang kanilang pangunahing salita.

Ang hinaharap ng wikang Filipino

Sa kasalukuyan, masasabi pa ring dapat ituloy ang paglinang sa wikang Filipino at nararapat lamang na ito ay lubusan pa ring pagyamanin. Isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng ating wika sa kasalukuyang panahon ay ang pagiging intelektwa-lisado nito. Pinaniniwalaan na ilang dekada pa ng masin-sinang pag-aaral at pagpa-patupad ang kinakailangan para maisakatuparan ang adhikaing ito. Kailangan munang maisalin sa Filipino ang lahat ng kaalaman at mga konsepto na pinag-aaralan ng mga Pilipino mula elementarya hanggang kolehiyo. Sa ngayon, hindi makakatapos ng pag-aaral ang isang Pilipino na wikang Filipino pa lamang ang kayang salitain sapagka’t maraming termino sa agham, matematika, algebra, medisina, trigonometri, at pisika ang wala pa ring katumbas o “counter-part” sa Filipino. Isa pa, ang mga kaalamang ito ay hindi rin nagmula sa sarili nating bayan kaya karamihan ng mga aklat, ensayklopedia, at mga diksyunaryo na ginagamit natin ngayon sa pag-aaral ay nakalimbag sa wikang Ingles. Panitikan pa lamang ang aspeto ng wikang Filipino ang intelektwalisado sa ngayon.

Ito ang dilemma ng pagiging intelektwalisado ng wikang Filipino: Kailangang palitan ng Filipino ang wikang Ingles bilang pinakagamiting wika sa ating bansa; ngunit para mangyari ito, kailangan munang maging intelektwalisado ang wikang Filipino.

Biyernes, Marso 9, 2012

LAHING PILIPINO: Halina't Pahalagahan

Tunay bang makulay ang pinagdaanang kahapon ng lahing Pilipino?
     Tunay na makulay at makabuluhan ang pinagdaanang kahapon at karanasan nag ating lahing Pilipino.
      Dahil sa pamamagitan ng katapangan, kadakilaan at karunungan ng lahing Pilipino ang  ating bansa ay nagkaroon ng sariling kalayaan at lumawak pa ang ating kamulatan at kaalaman sa tulong ng mga librong isinulat at inilimbag ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal, gayundin salamt sa mga bayaning Pilipino na nagtakda at nag-ambag ng mayamang kasaysayan na ito.
       Gaya nga ng sinabi ng ating pambansang bayani, "Ang Kabataan Ang Pag-asa ng Bayan", tayo bilang mga kabataan dapat nating pahalagahan itong mga iniwan sa ating makasaysayang pamana. Sa simpleng pagtutok sa pag-aaral kasama na ang asignaturang Filipino ay maipapakita na natin ang pagtangkilik natin sa Lahing Pilipino at mapapalawak pa natin ang ating kaalaman, gaya sa Wika at Panitikang Filipino.